mal-EDUKASYON
Sabado. Sa muling pag-uwi ko sa aming bahay sa Dagupan, nadatnan ko ang aking ama na kinagagalitan ang aming bunsong kapatid.
Ang aming bunsong lalake ay nag-aaral sa Dagupan City National High School at sa kadahilanang may bumagsak siyang isang sabjek at hindi raw aiya nakikitang nagpapapasok sa eskwela kung kaya’t pinapagalitan siya ng mga oras na yaon.
Madrama? Oo, pero hindi ito ordinaryong drama ng pamilya – ito’y isang matinding drama ng edukasyon.
Edukasyon daw ang pinakamahalagang yaman na maaaring baunin ninuman. Hindi ko alam kung sino ang nagpauso nito pero nagpapasalamat ako dahil natututo ako ngunit kinamumuhian ko rin kung sino man ang siya dahil nagmimistulang obligasyon ang edukasyon.
Tila ba kasagutan sa lahat ng problema ang edukasyon, wala kang pagkain, ngayon, mag-aral ka para may makain ka bukas (pero ngayon ako gutom), wala akong pera, mag-aral ka para may trabaho ka bukas (pero paano nga mag-aaral ang walang pera ngayon), Mag-aral, aral…aral…
Sumasang-ayon naman akong pag nag-aral ka nga naman ay hindi ka basta-basta magagago ninuman, hindi ka mauuto ng lipunang patuloy na nagpapaikot-ikot sa karamihan. Datapwat hindi lamang basta-basta edukasyon ang kailangan ninuman- dapat MAGANDANG EDUKASYON.
Yung tipong –sagana sa kaalaman at ng mga pilosopiya, yung natututo ka pero nag-eenjoy ka din, yung parang hinahayaan mo lang na maging parte ng sirkulasyonmo ang pag-aaral, hindi nakakahon sa libro ang intelektwal na pag-aaral, walang tangang titser, terror na propesor at mapanlansengmga prinsipal. Datapwat, ang inilatag na pakahulugan sa salitang EDUKASYON – ay masasabing isang lamang imahinasyon o isang ‘ideal’ lamang.
Sa totoong buhay, gaya ng kalagayanng kapatid ko, hindi siya ang maysala kundi ang mal-edukasyong natatamo niya.
Paano nga naman hindi babagsak ang isang estudyanteng walang libro? Kung libro ang batayan at talaan ng mga pag-aaral..at ang bagay na ito’y ipinagkait sa estudyante.
Paano rin matututo ang isang estudyante na gaya niya (ng kapatid ko) kung ang mga guro ay late kung dumating, sabay tsismis at make-up habang tumatakbo ang oras? Hindi ba’t ang gobyerno ang nagpapasweldo sa mga taong ito? At ano na lamang ang nagiging batayan ng grado ng mga estudyante? Kung sino ang aso, siya ang mataas na grado. Pag sinabing upo, upo. Pag sinabing seatwork, seatwork. Pag sinabing maglinis, aba maglinis ka. Aba’y robot pala ang papel ng estudyante sa nagyon. Kulang na lamang ay pag sinabing lipad ay pipilitin nilang lumipa- makapasa lamang.
Ito ang mukha ng huwadna edukasyon. Ang mukha ng MAL (maling)- EDUKASYON.
Nakakatwang EDUKASYON, nakakainisna EDUKASYON, at nakakalungkot na EDUKASYON…
Napakadaming nais na ipatupad ng DedEd bilang mga ‘effective measures’ kuno upang maitaas ang antas ng edukasyon lalo na ang English at Math skills pero sa tingin ko – napakalabo nitong mangyari sapagkat ang ugat ng mal-edukasyong ito ay nasa mga haring guro na umaastang superior sa klase. Diba’t walang mataas at mababa sa loob ng klase – pagkat ang nalalaman ng guro ay dapat itinuturo sa estudyante at mayroon din namang alam ang estudyante na di alam ng guro. (tama ba ako?) At bilang karagdagan, kaya nga tinawag na guro eh – dahil ang propesyon nila ay upang magturo at hindi magmando. (bigla ko tuloy naalala ang “Utos Hari’ ni Pedro Reyes,Jr)
Si Bob Ong mismo ay naisulat na ang kalagayang ito ng ating edukasyon sa kanyang librong ‘ABNKKBSKNPL’ datapwat idinaan niya ito sa patawa. Oo, nakakatawa ngunit sapul na sapol na patama. Datapwat daanin ko man ito sa tawa ay tanging tawa na lamang ang makakaigpaw sa katotohanan.
* para sa bulok na sistema ng edukasyon







